Ako po ay isang manunulat at ang kwentong ito ay isang kathang isip lamang. Pero ito ay may kinalaman din sa ating pang-araw araw na pamumuhay sa maniwala man kayo o hindi. Sana ito ay magsilbing aral sa inyo at sa lahat din. Salamat po sa inyong oras sa pagbasa nito.
Itong kwento ay sinulat sa perspektibo ng unang persona sa katauhan ng manunulat para ikwento sa inyo ang kanyang mga saloobin at ang mga kwento na ikwenento sa kanya. At akin pong inuulit na ito po ay isang kathang isip lamang na hinango sa ating pang-araw araw na buhay.
May isang balikbayan na umuwi sa kanilang purok. Labing-isang taon na raw ang nakalilipas na hindi sya nakauwi sa kanilang purok. Tuwang-tuwa po sya sa kanyang pag-uwi dahil makikita nya na raw ang kanilang matiwasay at magandang purok at ang kanyang pamilya at mga kamag-anak na matagal nya na raw na nami-miss at hindi nakikita.
Isang araw nakasalubong ko ang balikbayan na ito sa may palengke at galak na nagkamustahan kami sa isa't isa. Sya kasi ang matalik kong kaibigan nuong haiskul pa kami. Marami kaming pinagkwentuhan lalo na ang kanyang mga eksperensya sa abroad at pamilya hanggang sa umabot kami sa isang istorya na malugod at paluhang ikwenento nya sa akin.
Doon po sa kanila, sa may tahimik purok na kanilang tinitirhan, may napapabalitang may isang aswang daw na nakatira duon. Ito raw ay nagpapakita sa mga mamamayan duon at nanakot sa kanila paminsan minsan. Nabagabag daw ang mga tao duon at takot na takot sa maaaring maging epekto nito sa kanilang pamumuhay.
May isang tsismis na umiikot daw sa kanilang purok na may isang babae raw na aswang. Nakatira raw sya sa isang dampa na malapit nang mauga dahil sa ito ay nakatagilid na at malapit nang matumba. Isang bagyo na lang daw ang dadaan at siguradong ang bahay na ito ay tuluyan nang bumigay. Ang bahay na ito ay makikita sa isang gulod, walang kapitbahay, at solong nakatirik duon sa magubat at di gaanong madaanan at di mataong lugar ng gulod.
Kilala daw nya ang babaeng ito dahil madalas daw siyang pumunta duon nuong sya ay bata pa. Madalas din daw syang nakikipag-usap sa babaeng ito nuong maliit pa raw sya. Sa kanyang galak daw ay nagpaalam sya sa kanyang ina na puntahan, bisitahn, at kamustahin ang babaeng ito pero pinagbawalan sya ng kanyang mga kaanak na wag pumunta duon. At sinabi nga sa kanya ang mga tsismis.
Ang tinutukoy nilang aswang ay isang tahimik na babae, na sa katandaan ay napabayaan na ang kanyang sarili. Isang payatin na babae, kulubot ang mga balat dahil sa matinding paghahanapbuhay sa sakahan at pagka-lantad nito sa matinding init ng araw. Nakatira sa kanya ang kanyang kulang-kulang na kapatid na babae na syang binubuhay nito ng solo.
Tahimik silang dalawa na nakatira sa isang sirang-sira na kubo at dahil sa kahirapan ay hindi na niya napaayos ang kanilang bahay. Dalawa lang silang nakatira dito at tahimik na namumuhay at mairaos ang sarili araw-araw. Hindi nila alintana na may umiikot na masamang istorya tungkol sa kanila sa buong purok dahil hindi naman sila nakikihalubilo sa mga mamamayan ng purok.
Naawa ang aking kaibigan sa nagyayari sa matanda. Nawala nga raw sya ng labing-dalawang taon pero ito naman daw ang kanyang natuklasan. Hindi raw sya makapaniwala na pati ang kanyang mga pamilya at kaanak ay naniwala sa walang kwentang kwentong ito.
Hindi nya raw alam kung totoo itong balita pero minsan daw may isang bata na nagsabi na nakakita raw sya ng isang malaking itim na aso na naglalaway at pula ang mata habang sya ay naglalakad patungo sa eskwelahan isang tanghaling tapat. Sa takot ng bata ay kumaripas sya ng takbo nang walang lingon-lingon hanggang sa hindi na nya nakita ang itim na aso.
Meron namang isang lasing daw na umuwi na nang hatinggabi at nakasalubong nya raw sa kanyang daanan ang isang matandang uugod-ugod na at nakabelo ng itim na nakatungkod pa ng isang sanga ng kahoy. Hindi nya raw namukhaan ang matanda dahil daw sa belo na nakatakip sa kanyang ulo at madilim daw noon at walang buwan.
Meron namang balita na may isang malaking itim na baboy-damo daw na umiikot-ikot at umaaligid sa may magubat na lugar ng gulod at naninira ng mga taniman at mga punog-kahoy duon. Baka raw ito ang aswang at gustong paalisin ang mga nakatira duon.
Subalit sa mga balitang ito, wala namang napabalitang may namatay man lang o may taong namatay na nawalan ng lamang loob kung totoong may aswang. Ang mga tsismis na ito ay parang cancer na umiikot at pinapasa-pasa sa buong purok na pawang walang katotohanan at isang paninira sa buhay ng kawawang matanda sa may gulod na dahil sa kanyang kahirapan at katandaan ay nakuha pang gawan ng mga tao ng isang kahindik-hindik na istorya na wala namang katuturan kundi paninira lamang sa kanyang tahimik na pamumuhay.
Isang araw daw ay sikretong nakapuslit ang kaibigan ko at pumunta sa bahay ng matandang babae at gusto nya raw itong kausapin at alamin ang mga pangyayari. Nang makapunta raw sya duon ay nakita nya ang kalunos-lunos na sitwasyon ng kubo at ang kahirapan ng pamumuhay ng matandang babae at ang kanyang abnormal na kapatid.
Nung magpakilala sya sa matanda ito ay biglang napaiyak at tumango na naalala pa sya raw nito. Nagkwentuhan raw sila ng matanda at kwenento ng matanda ang kanilang mahirap na pamumuhay at kung papano sila nakakaraos araw-araw. Sinabi din sa kanya na nagtataka na rin daw sya kung bakit ang kanyang mga kamag-anak ay hindi na nakikipag-usap sa kanila kaya tahimik na lang daw silang namumuhay sa kanilang dampa.
Dahil daw sa kanilang katandaan ay hindi nya na raw maipaayos ang kubo at wala naman daw silang pera na maipayos ito kaya hinayaan nya na lang daw na masira ito ng panahon. Wala na ring syang perang ipambili ng mga gamot ng kanyang kapatid na abnormal kaya pina-painom nya na lang daw ito ng mga balat ng kahoy. Wala na rin daw syang perang pambili ng abono para sa palay nyang tanim at nagpapasalamat naman daw sya na may nakukuhang ani naman sya taun-taon. Panalangin na lang daw ang kanyang puhunan upang sila ay mabuhay.
Tinanong sya nga aking kaibigan kung bakit hindi sya humingi ng tulong sa barangay at ang sabi ng matanda ay yun nga raw ang kanyang pinagtakhan dahil mismo ang kapitan ay umiiwas kumausap sa kanya. Wala na raw syang mapuntahan kundi ang Dios at pinagpaubaya nya na lang daw sa Dios ang lahat.
Tumalikod ang aking kaibigan at biglang napaluha ito. Hindi nya lang kwenento sa matanda ang mga tsismis at hinayaan nya na lang na mamuhay silang tahimik at walang kaalam-alam sa mga pangungutya ng mga tagapurok. Nagpaalam sya sa matanda na may dalang sobrang awa at napayakap ito sa kanya. Binigyan nya ng kaunting pera ito bago sya umalis at nagpaalam.
Sa aming pagkikita sa palengke ay masakit nyang naikwento sa akin ang kahabag-habag na sitwasyon ng matanda. At wala naman akong masabi sa kanya kundi isusulat ko ito at kakapulutan ng aral para sa aking mga mambabasa. Kaya heto ako ngayon at ikwenento sa inyo ang salaysay ng aking kaibigan. Sana ay may napulot kayong aral sa kanyang kwento.
No comments:
Post a Comment