Ano nga ba ang nararapat kong i-blog ngayon? Tila wala na yata akong maisip isulat. Oo nga at napakaraming topiko ang dapat talakayin pero tila blanko ang laman ng aking utak sa ngayon. Bakit kaya ganun kung minsan. Parang isang alkansiyang walang laman ang aking isip. Ano ba ang nangyayari sa akin?
Siguro dala lang ito ng mga pangyayari na naganap ngayong linggo. Una po yung email na natanggap ko tungkol sa aking kaibigan sa France na may metastatic liver cancer. Kala ko ay gumaling na sya kasi katatapos nya lang po ng kanyang chemotherapy at radiation. Yun pala ay hindi nag-respond ang cancer sa chemo. Sa halip ay kumalat pa ito sa iba't ibang parti at organs ng kanyang katawan. Kaunti na lang po ang taning nya at sa ngayon sabi nya sa akin ay nanghihina na sya at hindi na nya kaya.
Sabi ko sa kanya ay huwag syang sumuko at labanan nya ang sakit para sya ay gumaling. Sinabi ko rin sa kanya na ako'y taimtim na nagdadasal para kanya at sa kanyang ikagagaling. Pero tila sumuko na yata sya at bibigay na sa kanyang sakit. Naawa po talaga ako ng sobra sa kanya. Siguro yung email na yun ang kanyang huling pamamaalam sa akin. Masakit isipin pero kailangan kong tanggapin alang-alang sa aking pinakamamahal na kaibigan.
Dama ko pa ang aming mga matatamis na alaala nung kami ay nagtatravel pa. Masaya po syang kasama at tanggap na tanggap nya kung ano ako. SYa lang po ang taong nakagaanan ko ng loob at ang taong nakakaintindi sa akin. Malaki po ang respeto ko sa kanya kahit na sya ay medyo pabaya sa buhay nya. Siguro carefree lang po sya at naintindihan ko yun. Wala po talaga akong maipipintas sa kanya.
Mapait man isipin pero kailangan kong lakasan ang aking loob para hindi po sya mag-alala. Kahit ako nag-aalala sa kanya ay hindi ko po pinapakita sa kanya yun. Sinusuportahan ko po and kanyang desisyon. Siguro pagod na po sya sa kanyang laban kaya po sya sumuko.
Sabi nya po sa akin ay hindi na sya makapag-antay. Kailangan nya na pong uuwi sa Pilipinas dahil ayaw nya pong mangyari na hindi sya po papasakayin ng eroplano kung malubha na po sya. At doon po ako umiyak ng todo at hindi ko po pinahalata sa kanya sa telepono. Naawa po talaga ako sa kaibigan ko na kusang sumuko po sa kanyang laban sa cancer.
Sayang po at hindi ko na po sya makikita kung ako po ay magbabakasyon sa France. Plano po namin sana ay libutin ang Germany at France kung ako po ay nandoon. Ngayon ay ako na lang po ang maglilibot mag-isa kasi po sya ay uuwi na sa Guimaras. Napakalungkot po siguro ang ganun ano? Kaya ko pa po kayang magliwaliw na wala ang aking kaibigan? Siguro po kailangan ko pong kayanin para sa kanya. Ayoko pong masaktan ang kanyang damdamin kung hindi po ako tutuloy. Alang-alang na lang po sa aming pagkakaibigan.
Sana po ay matiwasay lang po ang aking bakasyon. Salamat naman po at tinawagan nya ang kanyang kaibigan sa Paris para doon po ako tumuloy habang nandudoon po ako. At least po ay maka-lessen po ako ng aking mga gastusin lalo na po ang hotel. At salamat naman po at nireto na rin ako sa kanyang kaibigan para maging kaibigan ko na rin at para makapag-enjoy na rin ako habang nandoon po ako sa Paris at di na po ako mag-alala kung saan po ako mag-stay doon.
Talaga pong maaalahanin po ang aking kaibigan kahit na sya po ay may sakit. Nakuha pa rin po nyang tulungan akong maghanap ng ma-stayhan doon. Taos puso po syang tumutulong sa akin para hindi po ako mapahamak kung nandoon na po ako. Hinding-hindi ko po makakalimutan ang kanyang kabutihan. Mapalad po ako na nagkaroon ng isang matalik na kaibigan kagaya po nya na masyadong pong matulungin at maaalahanin.
I hope po na hindi po sya pababayaan ng Poong Ama at sana po ay tulungan po syang gumaling sa kanyang sakit. Salamat naman po at hindi po sya pinapabayaan ng kanyang mapagmahal na employer na na-meet ko din po noon. Mapalad po sya at may employer syang napakabait po. Pagpalain mo po sila Panginoon. At maraming-maraming salamat po at hindi mo po sila pinapabayaan.
Maraming salamat po Panginoon sa pagsagot sa aking mga panalangin para po sa aking pinakamamahal na kaibigan. Sana po ay gumaling na po sya. Pagpalain mo po sya at huwag na huwag mo po syang pabayaan. Salamat po Panginoong Jesus!
No comments:
Post a Comment