Ewan ko kung bakit palagi kong iniisip na ang buhay ko ay kahabag-habag. Siguro nga, dahil malayo ako sa aking pamilya. O siguro dahil nag-iisa ako dito sa Los Angeles at wala akong katuwang sa buhay. O siguro, pinapatay ko ang aking sarili para mag-trabaho para mapaaral ang aking mga pamangkin. O siguro nagtatrabaho ako palagi at hindi na nag-o-off kaya palaging pagod at depress. Ewan ko, ganun palagi ang aking pakiramdam at mukha tuloy akong kawawa.
Minsan ay natutulala na lang ako sa aking apartment at hindi alam ang gagawin. Minsan maghapon akong nakahiga sa kama at walang nagawa buong araw kundi magmuni-muni. Minsan naglalaro kasama ang aking aso na parang isang baliw. Minsan din ay nakaharap sa telebisyon at hindi maintindihan kung ano ang aking pinapanood. Masaklap pa ang aking buhay sa isang baliw pero hindi ko alam kung papano ko nalampasan ang mga ito. Nakapagtataka po pero yan ang totoo. Hay naku po......
Yan kasi ang buhay na aking pinili kaya kailangan kong tiisin lahat ito. Nagnais ako na makapag-abroad at ito ang kapalit para mabigyan lang ng karangyaan ang aking pamilya ngunit ang masakit ay hindi man lang ako na-appreciate ng aking mga kapatid. Sa halip inabuso pa nila ang aking kabaitan at pagtulong. Siguro, kasalanan ko rin kasi binigyan ko sila ng pagtitiwala na sa di kalaunan ay naging isang parasite sa akin na mahirap nang awatin. Huli na ang lahat para ito ay putulin. Aminin ko, may pagkakamali din ako at ito ay aking napabayaan at bumulwak na parang bulkan sa bandang huli.
Sa ngayon, natamasa ko ang pag-iisa na sa tanang buhay ko ay hindi ko pa naranasan. Ganito pala ang feeling kapag depress ang isang tao. Madilim, walang laman, lumulutang sa ire na walang direksiyon, walang patutunguhan, tuliro, nasasaktan, nakakaiyak, nag-iisa, hindi makahinga, sumisilakbo ang dibdib, hindi makatulog, balisa palagi, baliw, tinatamad, palaging gutom ominsan walang gana, matamlay, mapait na karanasan, hindi makaisip, confuse, mali-mali, nakakaawa, tulala, nakatingin sa malayo, gusting magpakamatay, nahihirapan sa buhay, walang magawa kung minsan, mabagal kumilos, nagkukulong, umiiwas sa mga tao, walang panahon mag-ayos ng sarili, magulo ang paligid palagi, at iba iba pang mga manifestasyon....... ang listahan ay walang katapusan and walang kapaguran. Dudugo ang iyong ilong kapag ito ay iyong iisipin lang.
Ang aking pagkamuhi sa aking kapatid na nagloko sa akin ay talagang hindi ko mapapatawad. Sa ngayon ang galit ko ay medyo kumalma na dahil matagal na iyon. Pero hindi ko makalimutan na ginamit lang niya ang aming ina para ako ay huthutan lang ng pera at sinagad pa ako hanggang ako ay magkasakit at kamuntik nang mamatay dahil sa kapabayaan ng aking sarili. Kapag naiisip ko ang mga panahon na iyon ako ay naawa sa aking sarili.
So far, ngayon ay medyo magaan na rin ang aking pakiramdam dahil iniiwasan ko na lang isipin yon at medyo umiwas na rin ako sa aking kapatid. Pero ang pagbintangan na ako ang dahilan dahil namatay ang aming ina ay hindi ko talaga maatim dahil hindi naman ako nagkulang sa pagpapadala ng pera para pangtustos sa mga gamot at pangangailangan ng matanda.
Kung bibilangin ko lang ang mga nahuthot nyang pera sa aking siguro ay hindi ko na po mabilang ng aking mga daliri. Milyon milyon na pera po ang ating pinag-uusapan dito na napunta lang po sa wala. Ang plano na magpatayo ng malaking bahay ay medyo naudlot din dahil piniperahan lang ako. Umabot po sa dalawang milyon ang napadala ko para magpatayo ng malaking bahay para sa amin lahat pero ano lang ang natapos ng ganung halaga... isang basement lang po. Hindi ba obvious na pangingikil lang ang ginagawa sa akin? Pinahiram ko sya ng kalahating milyon para magpatayo ng piggery... ang negosyo ay tumagal lang ng dalawang taon tapos kinalawang lang ang mga cable doon hanggang sa wala ka nang makitang baboy. Nababoy tuloy ang negosyo.... ah ewan.
Tapos ako pa ang masama. Siguro mali man ang ginawa kong isumpa sya pero ginawa ko lang po yun para putulin ko na lahat ang ugnayan ko sa aking kapatid dahil ayoko nang maulit pa na lolokohin lang nya ako at ang kanyang addict na asawa. Hayan tuloy ako ang kawawa. Masaklap pa sa isang baliw ang aking naranasan. Napapaiyak ang natutlala po ako paminsan-minsan kapag naalala ko ang mg aiyon. Kaya minabuti ko na lang po na isulat ang aking mga karanasan dito sa aking blog para maging productive naman ang aking maramdaman.
Hindi ko maiiwasan ang mapaiyak minsan pero tapos na po ang lahat. Ito na po ang aking pinili, ang pag-kitil ng aking relasyon sa aking isang kapatid at ang pagpatuloy ng aking buhay at kalimutan ang nakaraan na parang isang bangungot na lang. Sa aking pag-iisa hindi ko maiwasang maawa sa aking sarili kapag naalala ko ang mga sandaling iyon. Naalala ko tuloy ang aking ina. Haist talaga!
No comments:
Post a Comment